Wednesday, October 15, 2014

Tiwala at puso lang.


image from google images
Nagtatago siya sa anino ng isang hindi makatotohanang persona. Sa madilim na mundo na puno ng sikreto, doon unti-unti niyang sinusubukan na buuin ang perpektong buhay. Ngunit sa halip na mabuo, lalong sinisira ng mga kasinungalingan ang kanyang mga pangarap. Hindi siya hinahayaang maging masaya ng kanyang konsensya. Kahit anong pilit niya na magtago, lagi pa din siyang natatagpuan ng lungkot at pagsisisi. Sumusunod. Kumakapit. Hanggang sa wala ng matira na hindi bulok at pangit. Walang katapusang purgatoryo. Walang pinto palabas ng madilim at masikip na kulungang binuo niya mag-isa ng matagal na panahon. Bakit kulang kahit parang puno naman? Dahil puno lang ng hangin at kung anuman. Dahil tila walang kahulugan.  Blanko. Sa totoo lang, hindi niya kailangang patunayan sa mundo na mahalaga siya. Ang kailangan lang, makita niya sa sarili niya na may kahulugan ang buhay niya. Ang lahat ng kasalanan ay may kapatawaran. Walang taong malinis at purong mabuti. Sa loob nagsisimula. Sa loob niya dapat simulang bigyan ng puwang ang liwanag... hanggang sa unti-unti itong kumalat.. hanggang sa wala ng matirang dilim.

Dati akong nabuhay sa mundong ginagalawan niya ngayon. Alam ko ang bigat sa pakiramdam na hindi maging yung totoong ikaw. Kapatawaran. Palayain ang sarili. Bumangon man tayo o manatiling nakasalpak sa lupa, iikot parati ang mundo at sisikat pa din ang araw. Ang problema ay mananatiling problema. Ang dati ay mananatiling parte ng kwento. Hanggang sa hindi mo na bigyan ng pagkakataon ang hindi magagandang kwento ng kahapon na sirain ang ngayon. Ito ang simula ng magandang bukas. Ngiti lang. Tiwala at puso lang. 

^__________^